Tinawag ni US President Joe Biden na “war crime” ang mga kalupitan na sinasabing ginawa ng mga puwersa ng Russia sa Bucha, Ukraine.
Nanawagan ang pangulo ng pinaka-makapangyarihang bansa ng paglilitis laban sa pangulo ng Russia na si Vladimir Putin.
Gayunpaman, hindi binansagan ng pangulo ng US na “genocide” ang mga pagpatay ngunit sinabi niyang tinitingnan niya ang mga karagdagang parusa laban sa Russia.
Dagdag pa ni Biden, ang mga larawang nagmumula sa Bucha ay nagpapakita lamang na maaaring tawagin si Putin bilang isang ‘war criminal.”
Ngunit nilinaw naman nito na kailangan niyang kumuha pa ng mga impormasyon, mga detalye.
Aniya, kailangang ipagpatuloy ang pagbibigay sa Ukraine ng mga sandata na kailangan nila para ipagpatuloy ang laban at kailangang makuha ang lahat ng mga detalye para maging aktuwal ito — “magkaroon ng paglilitis sa krimen sa digmaan.”
Sinabi naman ni White House national security adviser na si Jake Sullivan na ang US ay hindi pa nakakakita ng ebidensya ng “systematic” na mga pagpatay na magpapatunay na may nangyayaring genocide sa Ukraine.