Nanawagan si US President Joe Biden sa Americans na pahupain ang init ng pulitika matapos ang assassination attempt sa kaniyang karibal sa 2024 US Presidential election na si dating Pres. Donald Trump.
Ayon kay Biden walang puwang sa Amerika ang karahasan.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Biden sa mga nadamay at nasawi sa insidente.
Una na ngang ipinag-utos ni Biden ang paglulunsad ng independent review ng security measures sa campaign rally kung saan nasugatan subalit nakaligtas si Trump sa tangkang pagpatay sa kaniya.
Sa ngayon, gumugulong na ang imbestigasyon sa motibo ng shooter na natukoy na ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na si Thomas Matthew Crooks.
Samantala, inilarawan naman ni dating US Pres. Donald Trump ang kaniyang iniisip nang tumayo siya at itaas ang kaniyang kamao habang dumudugo ang kaniyang tinamaang tenga at napapalibutan ng Secret Service agents matapos ang shooting incident sa kaniyang campaign rally sa Pennsylvania noong Sabado, oras sa Amerika.
Sa isang panayam kay Trump, sinabi nito na ang kaniyang naging reaksiyon matapos ang assassination attempt ay bilang pagpapakita na ok lang ito. Ang energy din aniya na nagmumula sa crowd ng sandaling iyon na nakatayo lamang ay napakahirap aniyang mailarawan kung ano ang kaniyang naramdaman subalit ang alam niya nakatutok ang buong mundo sa pangyayari at alam niyang huhusgahan ito ng kasaysayan.
Kasunod din aniya ng assassination attempt, binago niya ang nilalaman ng kaniyang convention speech na nakatutok sa mensahe ng pagkakaisa sa halip na batikusin si Pres. Joe Biden.
Kung hindi aniya nangyari ang insidente, isa umano ang kaniyang speech sa kaniyang campaign rally sa most incredible speeches na nakatuon karamihan sa mga polisiya ni Biden.
Subalit ngayon ay naiba na. Pagkakataon aniya ito para pagkaisahin ang kanilang bansa at nabigyan aniya siya ng pagkakataon para gawin ito.
Dumating na nga si Trump sa Milwaukee ilang oras ang nakakalipas, kung saan dadalo ito sa Republican National Convention ngayong linggo at pormal na ino-nominate bilang kandidato ng partido. Dito, inaasahan din na kaniyang iaanunsiyo o papangalanan ang kaniyang magiging running mate sa halalan.