Pinayagan na ni US President Joe Biden ang Ukraine na gamitin ang long-range missiles na ibinigay ng Amerika para sa pag-atake sa Russia.
Kinumpirma ito ng isang US official na isang malaking pagbabago naman sa polisiya ng Estados Unidos.
Ilang buwan na kasing nililigawan ni Ukraine President Volodymyr Zelensky ang Amerika para matanggal na ang restriksiyon sa paggamit nila ng missiles na tinatawag na Army Tactical Missile System (ATACMS) na magpapahintulot sa Kyiv na atakehin ang nasa labas ng kanilang borders o loob ng Russia. Ang naturang long-range missiles ay kayang umabot ng hanggang 300 km (186 miles).
Ayon naman sa hindi pinangalanang US official, ang pag-apruba ni Biden sa paggamit ng naturang missiles ay bilang tugon sa desisyon ng Russia na payagan ang mga sundalo ng North Korea na makipaglaban sa Ukraine.
Nauna na ngang iniulat ng Ukraine na nasa 11,000 sundalo ng North Korea ang nasa Kursk region ng Russia.