Pinanindigan ni US President Joe Biden ang kanyang pangako na agresibong kampanya sa pagharap sa krisis na dulot ng COVID-19.
Sa kanyang pagtapak sa bagong tahanan sa White House, kabilang sa kanyang unang pinirmahan na executive order ay nag-aatas sa lahat ng mamamayan na palagiang magsuot ng face mask.
“I’m going to start by keeping the promises I made to the American people,” ani Biden sa Oval Office.
Ang naturang hakbang ay tinawag pang “100 Days Masking Challenge.”
Ayon sa mandato, kailangan ang pagsusuot ng face mask at physical distancing sa lahat ng mga federal buildings, federal lands at mga government contractors.
Hinihiling din ni Biden sa mga estado at local government na gayahin din ito.
Kung maaalala noong panahon ni dating US President Donald Trump, nangunguna ito sa pagbaliwala sa kahalagahan ng pagsusuot ng face mask.
Kabilang pa ito sa nahawa sa COVID-19 at ilang mga staff at advisers.
Kasabay nito nagtalaga rin si Biden ng coronavirus response coordinator na siyang mangangasiwa sa programa ng White House sa pagpapabilis ng distribusyon ng vaccines at medical supplies.
Samantala binaligtad din naman ng bagong Presidente ang ginawang pagkalas ni Trump sa World Health Organization (WHO).
Mangunguna si Dr. Anthony Fauci, ang government top infectious disease expert sa US delegation upang hilingin sa WHO na maging kabahagi muli sila sa international agreements.