Pormal nang nakuha ni Joe Biden ang presidential nomination ng Democrats para harapin si President Donald Trump sa halalang pampanguluhan sa Nobyembre.
Ang dating US vice president ang itinuturing nang pambato ng kanilang partido mula nang umatras ang karibal nitong si Sen. Bernie Sanders noong Abril.
Ayon kay Biden, nahakot na raw nito ang kinakailangang 1,991 delegates para mapasakamay ang nominasyon ng mga Democrats.
Kumpiyansa naman si Biden na sasabak sila sa eleksyon sa ilalim ng nagkakaisang partido.
“It was an honor to compete alongside one of the most talented groups of candidates the Democratic party has ever fielded and I am proud to say that we are going into this general election a united party,” wika ni Biden.
Mahigit tatlong dekadang umupo bilang senador si Biden bago mahalal bilang bise presidente ng noo’y pangulo ng Amerika na si Barack Obama.
Ito na rin ang ikatlong pagtatangka ng 77-anyos na si Biden na tumakbo para sa pagkapangulo. (BBC)