-- Advertisements --
US Joe Biden presiden

Lalo umanong nagugulo ngayon transition period sa White House tungo sa napipintong pag-upo sa puwesto ni presumptive President Joe Biden.

Sinasabing hinaharang pa rin daw ni US President Donald Trump ang pahiwatig ng ilang government officials na magkaroon na ng kooperasyon sa team ni Biden.

Hanggang ngayon ilang lider ng Republicans kasama na si Senate Majority Leader Mitch McConnell, ang todo suporta pa rin sa hakbang ni Trump na labanan ang lumutang na resulta ng halalan.

Napansin daw na ilang kapanalig sa partido ang hindi pa rin kumikilala sa panalo ni Biden.

Meron namang minority sa partido ni Trump na kinabibilangan nina Sen. Mitt Romney ng Utah, Sen. Ben Sasse ng Nebraska, Sen. Lisa Murkowski ng Alaska at Sen. Susan Collins ng Maine ay kinilala na si Biden bilang president-elect.

Ilang sektor naman sa Amerika ang nagdududa kung magkakaroon nga ba ng maayos na transition patungo sa bagong presidente dahil sa pagmamatigas pa rin ni Trump.

Donald trump white house briefer

Kataka-taka rin ang makupad na pagkilos daw ng General Services Administration (GSA), na siyang namamahala sa mga federal agencies, upang payagan na ang mga aides ni Biden na maghinay-hinay na sa transition period.

Sinasabi raw kasi ng GSA na wala pa namang “ascertainment” sa panalo ni Biden.

Sa darating na December 14 pormal na kukumpirmahin ng Electoral College ang panalo ni Biden, habang sa Enero 20 ng susunod na taon ang panunumpa naman ng bagong presidente mula sa democrats.

Samantala ang Biden campaign lawyer na si Bob Bauer ay mariing binatikos ang hakbang ng attorney general na si William Barr na ipinag-utos sa mga prosecutors ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa alegasyon ni Trump na may naganap na dayaan sa halalan.

Ayon pa sa kampo ni Biden ang pagsasagawa raw ng imbestigasyon ay lalo lamang magdudulot ng mga “ispekulasyon.”

Ang naturang memo ni Barr ay naging dahilan sa biglang pag-resign ng isang senior justice department official na si Richard Pilger.

Sa kabilang dako, maging ang spokeswoman ni Trump na si White House press secretary Kayleigh McEnany ay nagsabing malayo pa na matatapos ang halalan dahil nagsisimula pa lamang ang mga “legal battle.”

“This election is not over,” ani McEnany.

Spox McEnany
White House press secretary Kayleigh McEnany

Si Trump naman, hindi pa rin tumitigil sa pagmamarakulyo at napagdiskitan ang ilang US media sa kanyang Twitter dahil sa maling pag-uulat daw na siya ay talo.

“@FoxNews, @QuinnipiacPoll, ABC/WaPo, NBC/WSJ were so inaccurate with their polls on me, that it really is tampering with an Election. They were so far off in their polling, and in their attempt to suppress – that they should be called out for Election Interference.”