DAVAO CITY – Kinumpirma ni Lt. Col. JP Baldomar, spokesperson ng 6th ID Philippine Army na walang naitalang casualty sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng tropa ng militar at mga terorista na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Davao kay Baldomar, alas-4:00 ng madaling araw kanina nang makatanggap sila ng impormasyon na may mga armadong grupo sa palengke ng Datu Paglas dahilan kaya agad silang rumesponde sa lugar.
Nilinaw ng opisyal na hindi sila nakipaggiyera sa mga miyembro ng BIFF bagkus ay nag-retaliate lamang sila matapos pinaputukan ng mga armadong grupo.
Wala umanong naitalang casualty sa tropa ng pamahalaan at maging sa mga sibilyan na nasa palengke.
Agad din umanong tumakas ang mga BIFF members palayo sa lugar.
Kinumpirma rin nito na nasa apat na mga improvised explosive device (IED) ang kanilang narekober malapit sa palengke.
Sinasabing maliit na lamang umano na bilang na mga BIFF ang nasa lugar kung saan karamihan sa mga ito ay sumuko na o nagbalik loob sa pamahalaan.
Temporaryo namang isinara ang national highway sa lugar para sa clearing at paneling sa palengke bago pinayagan na muling makapasok ang mga sibilyan.