-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sumuko sa militar ang isang dalubhasa sa bomba at paggawa ng Improvised Explosive Device (IED) sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang rebelde na isang Tong Ayob Dubpalig alyas Kumander Tong, EID expert at bomb maker na tauhan ni Kumander Mando Mamalumpong ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).

Ayon kay 602nd Brigade Commander Bregadier General Roberto Capulong na sumuko si Dubpalig sa tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Edgardo Vilchez Jr sa bayan ng Midsayap Cotabato.

Dala ni Kumander Tong sa kanyang pagsuko ang isang caliber.50 Barret Sniper rifle, mga bala at isang Improvised Explosive Device (IED).

Ang grupo ni Dubpalig ay sangkot sa pambobomba sa lalawigan ng Maguindanao at probinsya ng Cotabato.

Matatandaan na nasawi sa law enforcement operation ng Joint Task Force Central si Kumander Mando Mamalumpong noong 2019 sa bayan pa rin ng Midsayap.

Sinabi ni Dubpalig na pagod na siya sa patago-tago sa Liguasan Marsh at gusto narin niyang mamuhay ng mapayapa.

Hinikayat naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy ang ibang BIFF at mga Armed Lawless Group na magbalik loob na sa pamahalaan.