KORONADAL CITY – Positibo ang sagot ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa pahayag ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na nakahanda silang tanggapin ang mga itinuturing na “peace spoilers” sa Bangsamoro Autonomous in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Abu Misri Mama, tagapagsalita ng BIFF, nirerespeto nila si BARMM Interim Chief Minister Alhaj Murad Ebrahim at sakaling makipag-usap ito sa kanilang ay nakahanda silang harapin.
Ayon pa kay Mama, simula pa noong nagsimula ang negosasyon umano ng MILF at gobyerno para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ay hindi na sila nakialam.
Una rito, sinabi nga ni MILF Vice chair at defunct Bangsamoro Transition Commission chairman Gahdzali Jaafar na nakahanda ang BARMM na tanggapin ang mga peace spoilers gaya ng BIFF at mga ISIS inspired groups sakaling sumuko ang mga ito.
Ito umano ang ipinangako ni BARMM Interim Chief Minister Murad, upang maisulong ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Samantala, tiniyak naman ng opisyal na ipagpapatuloy nila ang implementasyon ng mga proyekto ng dating ARMM na napondohan na at nakatakdang ipatupad ngayong taon.