Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang grupo ni Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) leader Esmael Abdulmalik alyas Abu Toraype ang siyang utak ng ikalawang pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat nitong Linggo ng gabi.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo, batay na rin ito sa komposisyon ng improvised explosive device (IED) na ginamit sa naturang insidente.
Hiniling din ng AFP ang kooperasyon ng publiko para maiwasan ang mga insidente ng pagsabog.
Giit ni Arevalo, mahalaga ang pakikipagtulungan ng publiko para maiwasan na makapaghasik ng kaharasan ang mga teroristang grupo.
Tiniyak naman ng AFP na kontrolado pa rin nila ang sitwasyon lalo na sa Isulan, Sultan Kudarat.
Hindi lamang aniya problema ng mga law enforcement agencies tulad ng militar at pulisya ang terorismo kung hindi ito’y problema rin ng buong sambayanang Pilipino.
Hindi aniya magtatagumpay ang kanilang kampaniya kontra terorismo kung walang pakikipagtulungan na taumbayan para masupil ang marahas na pag-atake ng mga bandido.