CENTRAL MINDANAO – Grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinuturong suspek sa pagpapasabog ng bomba sa patrol car ng pulis sa Maguindanao.
Nakilala ang mga napatay na sina PMSgt. Antonio Balasa at isang sibilyan na si alyas Bobby.
Sugatan naman sina PSgt. Larry Amoran, PSSgt. Guerero Domingo, PCpl. Guai Mangrag, at PCpl. Clyde Peria, mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ng Maguindanao Police Provincial Office.
Matatandaan na palabas ang police patrol car ng 2nd PMFC ng Maguindanao PNP na convoy ni PMaj. Erwin Tabora na hepe ng Maguindanao PNP Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU).
Pagsapit ng mga pulis sa national highway sa Barangay Poblacion Mother, Shariff Aguak, Maguindanao ay bigla na lamang sumabog sa gilid ng kalsada ang isang Improvised Explosive Device (IED).
Dahil sa lakas ng pagsabog ng bomba, dalawa sa mga biktima ang on the spot na nasawi at apat na mga pulis ang nasugatan na mabilis na dinala sa Maguindanao Provincial Hospital.
Nakaligtas naman si Tabora na posibling target ng mga suspek dahil sa dami nitong banta sa buhay sa pinaigting nitong operasyon laban sa pinagbabawal na droga at mga armed lawless group sa Maguindanao.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Maguindanao PNP sa pambobomba sa convoy ni Tabora.