-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Mariing kinondena ng militar ang nangyaring pag-ambush sa tatlong kasapi ng 57th Infantry Battalion Philippine Army nitong nakaraang araw na ikinamatay nina Private First Class (PFC) Junard Estribor at Private Nelier Jhan Pinto.

Maliban sa mga namatay sugatan din si Private Muqtadir Sampulna at isang babaeng sibilyan sa Sitio Kurungan, Brgy Sambulawan Datu Salibo, Maguindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Major Arvin Encinas tagapagsalita ng 6ID Philippine Army, ang mga kasapi raw ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinuturong mga suspek sa likod ng pananambang.

Agad naman itong inako ng pamunuan ng BIFF sa panayam ng Bombo Radyo kay Abu Misry Mama, tagapagsalita ng teroristang grupo.

Ayon kay Misry Mama, ang nangyaring pananambang sa mga kasapi ng militar ay isa umanong retaliation sa pagpatay ng militar kay kumander Boy Native na isang mataas na opisyal ng BIFF.

Ayon sa militar matagal na nilang itinuturing na peace spoiler ang BIFF na matagal na ring nagsasagawa ng bayolenteng pag-atake laban sa tropa ng gobyerno at mga sibilyan.