-- Advertisements --

COTABATO CITY – Grupo umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek na nagpasabog ng bomba sa convoy ng mga pulis sa probinsya ng Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao police provincial director S/Supt. Agustin Tello, lulan sila ng kanilang mga patrol car mula sa Maguindanao Police Provincial Office sa bayan ng Shariff Aguak patungo sa SAF-44 encounter site sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano ngunit pagsapit nila sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao ay bigla na lamang sumabog ang isang improvised explosive device (IED) sa gilid ng kalsada.

Suwerte na walang tinamaan sa convoy ni Tello dahil nakalagpas na ng ilang metro ang kanilang mga sinakyan nang sumabog ang bomba.

Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng 40th Infantry Battalion Philippine Army at Explosive Ordnance Disposal Team ng Phil. Army para masiguro ang seguridad ng mga pulis.

Ang pagsabog ng IED ay kasabay ng ikalawang taong paggunita sa pagkasawi ng SAF-44 sa Brgy Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.

Sa ngayon pinaigting pa ng pulisya at militar ang seguridad sa lalawigan ng Maguindanao.