-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nais magbagong buhay na at mamuhay umano ng mapayapa kasama ang kanilang mahal na pamilya kaya nagpasyang sumuko ang anim na mga miyembro ng armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.

Ang mga rebelde ay mga tauhan ni Kumander Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF Karialan faction).

Sumuko ang mga rebelde sa tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Rey Rico sa bayan ng Midsayap, Cotabato.

Dala ng limang armed lawless group (ALG) at isang BIFF sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng armas na kinabibilangan ng tatlong M14 rifles, dalawang caliber .30 garand rifles, isang M2 carbine rifle, isang caliber .30 sniper rifle, mga bala at mga magasin.

Ang mga rebelde ay pormal na tinanggap nina Midsayap, Cotabato Mayor Rolly Sacdalan, 602nd Brigade deputy commander Colonel Donald Gumiran at Lt. Col. Rico ng 34th IB.

Nangako si Mayor Sacdalan na tutulungan ang mga sumuko na muling makabalik sa kumunidad.

Tumanggap ang anim na surrenderies ng tig-P20,000 food packs, medical assistance, livelihood at legal assistance mula sa Midsayap LGU at DSWD-12.