-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang isang miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) sa nangyaring pagsabog sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Jowie Ramos, isang Cafgu sa ilalim ng 38th Infantry Battalion Philippine Army.

Lining Shariff Aguak Maguindanao

Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central Commander M/Gen. Juvymax Uy, hinagisan ng granada ng mga hindi kilalang suspek ang Lining detachment ng Cafgu at Ist Mechanized Infantry Battalion Philippine Army sa Barangay Mother Labu-Labu, Shariff Aguak, Maguindanao.

Dahil sa lakas nang pagsabog tinamaan ang biktima na nakatayo sa gilid ng detachment.

Agad namang tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Shariff Aguak.

Ang biktima ay agad dinala ng kanyang mga kasamahan sa Maguindanao Provincial Hospital at nasa maselang kondisyon.

Grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang itinurong suspek ng militar na nanghagis ng granada sa kanilang kampo.

Matatandaan na ilang beses ng sinalakay ng BIFF at binomba ang Lining detachment ng mga sundalo at Cafgu.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa lalawigan ng Maguindanao laban sa BIFF.