CENTRAL MINDANAO – Buhay pa umano si Shiek Esmail Abdulmalik alyas Kumander Abo Toraife ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-ISIS inspired group).
Una ng napaulat na sugatan at nasawi si Toraife sa inilunsad na Law Enforcement Operation ng Joint Task Force Central sa Liguasan Delta at SPMS Box sa lalawigan ng Maguindanao.
Ngunit buhay pa umano si Shiek Esmail Abdulmalik at kinakalong na lamang ng kanyang mga tauhan.
Kahit matanda na at may sakit si Toraife ay nanguna pa rin ito sa pagsasanay ng kanilang mga bagong recruit na karamihan mga kabataan o yaong mga menor de edad.
Tumanggap din umano ng shipment ng mga armas ang BIFF mula sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at malaking halaga ng pera para muling magpalakas na pwersa.
Kahit hindi kumpirmado ang naturang ulat ay patuloy na sinusuyod ng militar ang mga lugar sa Maguindanao at North Cotabato kung saan nagkukuta ang tatlong paksyon ng BIFF.
Matatandaan na isang pagawaan ng bomba, armas at kampo ng BIFF ang nakubkob ng militar sa Pikit, Cotabato at ilang lugar sa Maguindanao.