-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Target umano ng ginawang pamomomba ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa South Upi, Maguindanao na pigilan ang peace dialogue sa matagal nang land conflict sa lugar.

Ito ang inihayag ni Lt. Col. Anhouvic Atilano, spokesperson ng 6th Infantry Division (6ID) Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Atilano, nagpapatuloy ang kanilang manhunt operation laban sa grupo ng BIFF na responsable sa explosion na ikinasawi ng isa at ikinasugat naman ng isa pa gayundin ang pagtanim ng dalawa pang Improvised Explosive Device.

Kinumpirma rin ng opisyal na kabilang din sa target ng nasabing pagpamomba ang alkalde ng bayan na si South Upi Mayor Reynaldo Insular na siyang mangunguna sa peace talk sa Barangay Kuya ngunit hindi natuloy dahil sa insidente.

Dagdag pa ng opisyal, inabisuhan na nila ang mga mamamayan ng lugar na agad ipaalam sa otoridad kung may kahina-hinalang mga personalidad na umiikot sa lugar na planong magsagawa ng panibagong pag-atake.

Kung maalala, isa ang sumabog sa tatlong bomba kahapon ng umaga kung saan narecover naman ang dalawa pa ng mga otoridad.