CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang ilang mga sibilyan ng muling magkasagupa ang militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang nasawi sa tropa ng militar na si Sergeant Irvin Alberastine ng 57th Infantry Battalion Philippine Army.
Patay naman sa panig ng BIFF sina Ustadz Kamaruh, alyas Samin at alyas Rida, mga tauhan ni Kumander Ustadz Karialan.
Ayon kay 601st Brigade commander Colonel Jose Narciso, habang nagpapatrolya ang 57th IB sa Brgy Tuayan, Ampatuan, Maguindanao ay nakasagupa nila ang grupo ni Ustadz Kamaruh.
Tumagal ng dalawang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Umatras naman ang mga rebelde nang paputukan sila ng mga sundalo gamit ang 105 mm howitzers cannon.
Isa sundalo ang nasawi at isa ang nasugatan habang tatlo ang patay sa BIFF.
Pinabulaanan naman ni Kumander Abu Misry Mama na mga tauhan nila ang mga nasawi.
Ito raw ay grupo lang umano ng mga armed lawless group.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang combat clearing operation ng 57th IB laban sa BIFF sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao.