CENTRAL MINDANAO – Kagagawan umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang iniwang bomba sa national highway sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy, tumanggap ng impormasyon ang Ist Mechanized Infantry Battalion sa isang improvised explosive device (IED) na iniwan sa national highway sa Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao .
Agad na nagresponde ang mga sundalo at pulis kung saan pansamantala nilang isinara ang national highway.
Agad namang dumating ang mga tauhan ng 32nd Explosive Ordnance Disposal Team at dinisrupt ang bomba.
“Batay sa aming paunang pagsisiyasat, ang IED ay gawa mula sa isang 81mm at dalawang RPG Projectiles (ICOM Detonated),” ani ni Lt. Col. Cresencio Sanchez, commanding officer.
Bago ito, una nang nagbanta ang Dawlah Islamiyah terror group ng BIFF na maglulunsad daw sila nang pambobomba sa Central Mindanao .
Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa lalawigan laban sa mga terorista.