-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Kagagawan ng mga terorista ang panibagong natagpuang bomba sa probinsya ng Cotabato.

Ayon kay Midsayap chief of police Lt Col Rolly Oranza na iniwan ng dalawang mga suspek na sakay ng motorsiklo ang isang improvised explosive device (IED) sa basurahan sa harap ng tanggapan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Barangay Poblacion 3 Midsayap, Cotabato malapit lamang sa Midsayap Municipal Police Station at Municipal building.

Agad nagresponde ang mga pulis at sundalo kung saan kinordon nila ang kalsada papasok ng BFP-Midsayap.

Mabilis na dumating ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal and Canine Group ng Philippine National Police at denipyos ang bomba.

Sa intel reports ng AFP mga bata umano ang inutusan ng mga terorista na maglagay ng bomba sa mga matataong lugar sa bayan ng Midsayap at karatig lugar.

Unang kinompirma ng militar na target nang pambobomba ng grupo ni Kumander Salahuddin Hassan ng Dawlah Islamiyah Hassan Group ang bayan ng Midsayap at Kabacan, Cotabato.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang pagbabantay sa mga entry at exit point sa Midsayap.