-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ginagawa na ang tatlong malalaking proyekto ng gobyerno probinsyal ng Ilocos Norte.

Ito ang pagtiyak ng lokal na pamahalaan makaraang binisita ni Governor Matthew Marcos-Manotoc kasama ang Provincial Engineering Office, Provincial Tourism Office at ang kasapi ng kontraktor ang naturang proyekto.

Ipapatayo ang 10-storey Dap-ayan na isang business building, pagsasaayos ng stadium at ang provincial capitol.

Ayon sa gobernador, aabot sa halos P2 bilyon ang pondo para sa tatlong proyekto kung saan mahigit P350 milyon para sa kapitolyo, mahigit P600 milyon sa 10-storey building at mahigit isang bilyong piso sa staduim.

Inamin ni Manotoc na bahagyang itinigil ang operasyon sa malaking building dahil may bukal ng tubig sa lokasyon nito at kailangan idaan sa soil testing.

Gayunpaman ay maayos naman ang mga ipinapatayong proyekto matapos bakbakin ang mga lumang istruktura ng dap-ayan at stadium habang uumpisahan pa lamang ang kapitolyo.