-- Advertisements --

Sasampahan na ng patung-patong na kaso sa Office of the Ombudsman ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ayon kay Atty. Harry Roque sa panayam ng Bombo Radyo, matapos makasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang personalidad sa nasabing tanggapan, target naman niyang isunod ang mga itinuturing na “big fish.”

“Ang mga nakasuhan po ng NBI ay mga small fish pa lang, kaya tayo naman… yung mga big fish ang hahabulin natin,” wika ni Roque.

Naniniwala ang dating kalihim na hindi magiging malala ang korapsyon sa PhilHealth kung walang partisipasyon ang mismong mga pinuno nito.

Tiniyak din ni Roque na malakas ang mga ebidensyang hawak nila para sa isasampang reklamo.