-- Advertisements --

Inihayag ng inter-agency task force na pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ) na uunahin nilang imbestigahan ang mga “big fish” o mga opisyal ng gobyernong sangkot sa malakihang korupsyon o mga umaabot sa bilyong pisong ninananakaw sa kaban ng bayan.

Sinabi ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar, kasalukuyang binubuo ng mega task force ang mekanismo kung papaano imbestigahan ang bawat ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Usec. Villar, magtatatag sila ng strike teams na tututok sa ahensyang iimbestigahan.

Ang bubuuing hiwalay na mga teams ang sasala sa mga reklamo, tips at alegasyon ng katiwalian at target nila ang mga “big fish” o mga sangkot sa korupsyong may malaking impact sa pamamahagi ng serbisyo sa publiko.