-- Advertisements --

Mistulang mahahati ang atensyon ng mga Filipino beauty pageant fans at mga talent scout na may kandidatang kasali sa 2021 Miss World Philippines 2021 at sa 2021 Binbining Pilipinas.

Magkasabay kasi ang coronation night ng mga nabanggit na national beauty contest.

Unang nag-anunsyo ang Miss World Philippines Organization kahapon, na magaganap sa darating na July 11 ang kanilang grand coronation.

Matapos naman ang tatlong oras, ibinalita ni Samantha Bernardo sa virtual welcome presscon para sa kanya ng Binibining Pilipinas Charities Inc., na matutuloy na sa July 11 din ang grand coronation ng 57th Binibining Pilipinas.

Si Bernardo ay tinanghal na first runner-up sa Miss Grand International na ginanap sa Thailand nitong Marso.

Kung maaalala, ilang beses nang naipagpaliban ang 57th Binibining Pilipinas dahil sa coronavirus pandemic.

Kabilang sa “binibini” titles na target ng mga kandidata ay ‘yaong pagiging kinatawan ng bansa para sa Miss International, Miss Intercontinental, Miss Globe, at Miss Grand International.

Pitong korona naman ang ipapamigay ng Miss World Philippines Organization gaya ng Miss World Philippines, Miss Supranational Philippines, Miss Eco Philippines, Reina Hispanoamericana Filipinas, Miss Multinational Philippines, Miss Teen Eco International Philippines, at Miss Tourism Philippines.

Una nang ipinakilala sa publiko ang 45 official Miss World Philippines candidates at ilan sa matunog na pangalan na early favorites para manalo ay ang Indian-Filipino na 2016 Mutya ng Pilipinas Asia-Pacific International turned reporter na si Ganiel Krishnan.

Nariyan din ang actress/singer na si Emmanuelle Vera, at mga “repeater” na sina Dindi Pajares at Rufa Nava.

Unang sumali si Dindi sa 54th Binibining Pilipinas noong 2017 pero bigong magwagi, habang si Ruffa ay sumali sa Miss World Philippines noong 2014 at hindi rin pinalad.

Dahil sa pangalang Dindi at Ruffa, sinasabing magpapaalala ito sa naging mahigpit na kompetisyon nina Dindi Gallardo at Ruffa Gutierrez sa 30th Binibining Pilipinas noong 1993.

Naging kontrobersiyal ang showdown kung saan si Gutierrez umano ang pinapaborang manalo ng Binibining Pilipinas-Universe crown, pero si Gallardo ang nakasungkit nito.

Sa ngayon, ang reigning Miss World Philippines ay si Michelle Dee na pinsan ng aktres na si “Winwyn” Marquez. Si Winwyn ang first ever Pinay na tinanghal bilang Reina Hispanoamericana noong 2017.