Mananatili sa Pilipinas ang drug lord Canadian national na si Thomas Gordon O’Quinn para harapin ang drug charges laban sa kaniya kaugnay sa P9.6 billion drug haul sa Alitagtag, Batangas.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, dapat na harapin ng suspek ang mga krimen na kaniyang kinakasangkutan bago tuluyang mapa-deport para harapin naman ang mga krimeng kaniyang nagawa sa ibang bansa.
Kabilang sa mga kaso nito sa PH ay ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Article 178 ng Revised Penal Code o paggamit ng pekeng pangalan at pagtatago ng tunay na pagkakakilanlan.
Sinabi din ni Comm. Tansingco na ang 38 anyos na banyaga ay itinuturing na big-time drug lord at wanted ng International Criminal Police Organization (interpol) sa mga kasong isinampa ng Amerika.
Subject din si O’Quinn ng Interpol red notice mataposna maglabas ng arrest warrant ang US district court sa western Washington.
Matatandaan na una ng napaulat na nirentahan ni O’Quinn ang isang yate para dalhin ang mga ilegal na droga sa pamamagitan ng pagdaan sa karagatan ng bayan ng Nasugbu.
Nirentahan din nito ang isang bahay sa parehong bayan na sinalakay naman ng kapulisan noong Abril 19 sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.