Itinanggi ng Department of Agriculture na isang ‘political move’ ang ginawang programa ng pamahalaan na pagbebenta ng P29 kada kilo ng bigas, ilang linggo bago ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary and spokesman Arnel de Mesa, ang pagbebenta sa mga naturang uri ng bigas ay matagal nang naplano ng pamahalaan.
Sa katunayan aniya, bago pa man ang pagtatalaga kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ay matagal na itong pinaplano ng gobierno bilang tugon na rin sa naunang kautusan ni PBBM na pababain ang presyo ng bigas.
Ayon kay de Mesa, dati na ring natukoy ang mga panggagalingan ng bigas o magsusuply sa murang bigas na ibebenta sa mahihirap na sektor.
Maliban sa National Food Authority rice, mayroon din aniya ang contract farming ng National Irrigation Administration na may garantiyang makapagbibigay ng hanggang 121,000 metriko tonelada ng bigas.
Maliban dito ay patuloy din aniya sa paghahanap ng iba pang mapagkukuhanan ang pamahalaan.
Unang inilunsad ang naturang programa matapos aprubahan ng NFA council ang pagbebenta sa mga lumang stock ng bigas ng NFA.
Dahil sa limitadong supply, limitado rin ang maaaring makinabang dito, katulad ng mga senior, PWD, mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at mga solo parents