-- Advertisements --

Naaresto na ng mga otoridad ang itinuturing na pinuno ng Lucky South 99 na siyang operator ng Philippine Offshore Gaming Operator sa Porac, Pampanga.

Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission spokesperson Winston Casio, na kanilang naaresto si Lyu Dong o may mga palayaw sa tawag na “Boss Boga”, “Boss Apao” at “Boss Bahaw” sa isang residential subdivision sa Laguna nitong gabi ng Huwebes.

Naaresto ang suspek dahil sa warrant of arrest at mission order mataopos na iniuugnay sa iba’t-ibang krimen ang POGO sa Porac.

Mula ng lumabas ang warrant of arrest nito ay minanmanan na nila ang galaw ni Lyu Dong hanggang makakuha ng tsansa ng dumalo ito sa isang kasiyahan.

Agad na itong dinala sa detention facility ng PAOCC sa lungsod ng Pasay para sa inquest procedures.

Isasailalim din sa imbestigasyon ang mga kasamang dayuhan ni Lyu Dong ng Bureau of Immigration.

Itinuturing ng PAOCC na ang pagkakaaresto kay Lyu Dong bilang isang malaking hakbang para tuluyang masawata ang presensiya ng POGO hubs sa bansa.