NAGA CITY – Inireklamo ang kauna-unahang Pinoy Biggest Loser grand winner na si Larry Martin matapos umanong magwala sa isang tanggapan sa Provincial Capitol, Pili, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jesus Philip Nachor ng Pili-Philippine National Police, sinabi nitong nag-report sa kanila ang isa sa mga empleyado ng kapitolyo kaugnay ng umano’y pagwawala ni Martin sa harap ng Provincial Engineer’s Office.
Tila lango aniya sa alak si Martin habang armado ng karit at binasag pa ang pintuan ng tanggapan na naging dahilan para maalarma ang ilan sa mga empleyado.
Kuwento raw ng ilang empleyado, hindi lamang ito ang unang beses na nanggulo si Martin.
Nabatid na isa si Martin sa mga personahe ng Civil Security Unit ng kapitolyo.
Kung maaalala, taong 2014 nang makulong si Martin alinsunod sa hatol na tatlong buwan hanggang tatlong taon na pagkakabilanggo dahil sa kasong accessory to homicide.
Ugat ng kaso ay ang pagkamatay ni Rommel Licmuan, sheriff ng Regional Trial Court sa Naga noong Setyembre 2013.