-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Iminungkahi ni Cagayan de Oro 1st District Congressman Lordan Suan sa liderato ng Kamara na imbestigahan ang umano’y kaduda-duda na paglobo ng voters registration sa ilang bahagi ng bansa.

Kasunod ito ng binuo rin na task force ni Commission on Elections Chairman George Garcia upang alamin ang mga dahilan kung bakit biglaan ang pagsilipatan ng mga botante patungo sa iisang lugar lamang para sa 2025 elections.

Ginawa ni Suan ang pahayag dahil mismo sa kanyang distrito ay nangyari ang malawakan na paglipat ng mga bagong botante mula sa iba’t-ibang bahagi ng Cagayan de Oro at maging sa Misamis Oriental sa pinakamalaking barangay ng Carmen.

Aniya, sa loob ng taong ito ay nasa higit 21,000 mga botante ang nadagdag sa nabanggit na barangay na kilalang balwarte ng pamilya Uy na nakatunggali nito sa congressional race noong 2022 elections.

Kaugnay nito, agad nagpasya ang liderato ng Kamara na hawakan ng committee on rules para sa karagdagang aksyon.

Magugunitang hindi lang ang Cagayan de Oro ang mayroong ganitong kaso subalit maging ang bahagi ng Misamis Oriental at ilang lugar pa sa Pilipinas kaya magkahiwalay na imbestigasyon ang ikinasa ng Comelec at ng Kamara.