LAOAG CITY – Nilinaw ni Dr. Sheryl Racelis, epidemiologist ng Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac na walang bagong variant ng COVID-19 na nakapasok sa Ilocos Norte.
Sinabi nito na negatibo lahat sa bagong variant ang mga specimen na ipinadala nila sa Philippine Genome Center-University of the Philippines.
Ayon kay Racelis, ang kanilang mga ipinadala na sample ng specimen ay mula sa mga residente na una nang nagpositibo sa COVID-19 sa bayan ng Solsona at San Nicolas na mayroong moderate at severe symptoms.
Una rito, sa mga nakalipas na linggo ay biglang tumaas ang kaso sa bayan ng Solsona ngunit na-contain din ito ngunit sumunod naman ang bayan ng San Nicolas matapos magpositibo sa virus ang isang market vendor.
Dahil dito, mahigit dalawang linggo nang naka-lockdown ang merkado ng San Nicolas kabilang na ang mga ilang barangay.
Sa ngayon ay aabot na sa mahigit 130 ang aktibong kaso sa bayan ng San Nicolas at sa buong lalawigan naman ay may mahigit 300 mga kaso.