-- Advertisements --
KAPA KABUS OFFICES GENSAN AND SARANGANI 4
KAPA or Kabus Padatuon offices

CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ng Securities and Exchange Commission (SEC) na “nasunog” o sumingaw ang impormasyon kaugnay sa ikinasa na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga opisyal ng Kabus Padatoon o KAPA Community Ministry International Incorporated.

Ito ay matapos hindi na naabutan ng raiding team si KAPA founder Pastor Joel Apolinario sa kanyang bahay sa General Santos City nang isinilbi ng SEC at NBI ang search warrant alinsunod sa kautusan ng korte mula sa Metro Manila.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni SEC regional director Reynato Egypto na bago pa umano naisagawa ang malawakang closure order ay nakarating na sa kampo ni Apolinario ang impormasyon na magsasagawa ng operasyon ang gobyerno.

Inihayag pa ni Atty. Egypto na malinaw umano na mismong ang ilang mga otoridad na miyembro ng KAPA ang nag-leak sa impormasyon kaya “nasunog” ang operasyon nila noong nakaraang Lunes.

Pag-amin pa ng opisyal, sa araw ng Martes pa sana ang mismong implementasyon ng court order subalit naiba ang plano dahil naglabas na rin ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte sa NBI at PNP upang ipasara ang mga tanggapan ng KAPA.

Magugunitang mismo ang NBI-Manila pa ang tumungo sa bahay ni Apolinario dahil sa hinalang ilan sa mga otoridad na nakabase sa South Cotabato-Saranggani-Koronadal at General Santos (SOCKSARGEN) ay mga miyembro rin o naglagak ng investment sa grupo ni Apolinario.