CENTRAL MINDANAO – Arestado ng mga otoridad ang isang tinaguriang high value target na sangkot umano sa illegal drug trade sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang suspek na isang Nards Atis, nakatira sa Brgy Manuangan, Pigcawayan, North Cotabato.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-BARMM) Regional Director Juvenal Azurin, nagsagawa sila ng drug buy bust operation katuwang ang pulisya sa bayan ng Pigcawayan, Cotabato.
Nang akto nang iaabot ng suspek ang droga sa asset ng PDEA-BARMM ay doon na siya hinuli ng mga otoridad.
Nakuha sa posisyon ni Atis ang 10 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa drug market value.
Sinasabing sangkot ang suspek sa illegal drug trade sa probinsya ng Cotabato at Maguindanao na matagal nang minamatyagan ng mga otoridad.
Nakapiit na si Atis sa lock-up cell ng PDEA-BARMM sa Cotabato City at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.