CENTRAL MINDANAO- Nahuli ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency- Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR) ang isang big time drug pusher sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang suspek na si Kasim Guiambangan Esmail alyas Omar, residente ng Talitay, Maguindanao habang nakatakas naman ang kasama nito na si alyas Sammy.
Ayon kay PDEA-BAR Regional Director Juvenal Azurin na nagsagawa sila ng drug buybust operation na pinangunahan ni Agent Christian katuwang ang pulisya at militar sa Barangay Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Nang iabot na ng suspek ang shabu sa asset ng PDEA-BAR ay doon na siya hinuli habang nakatakas naman si alyas Sammy.
Nakuha sa posisyon ni Esmail ang 100 gramo na shabu na may street value na P680,000, dalawang motorsiklo, cellphone, buy bust money, pitaka, assorted IDs at mga personal na kagamitan.
Sinabi ni Azurin na si Esmail ay sangkot sa large scale illegal drug trade sa Maguindanao at Cotabato City na matagal na nilang minamanmanan.
Sa ngayon ang suspek ay nakapiit sa costudial facility ng PDEA-BAR at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.