-- Advertisements --

KALIBO, Aklan–Kasong paglabag sa Section 5, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang inihain laban sa itinuturing na bigtime dealer ng marijuana sa lalawigan ng Aklan at Capiz.

Kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Aklan Provincial Officer, Investigator Agent III Jyxyvzcky Escrupolo na kasalukuyang nakakulong ito sa detention facility ng PDEA Regional Office at naghihintay na lamang ng utos mula sa korte para ilipat siya sa jail facility ng Aklan.

Nabatid na napasakamay ng mga awtoridad ang dealer ng marijuana sa ikinasang operasyon sa Sitio Airport, Barangay Caticlan sa bayan ng Malay, Aklan na kinilalang si Jainel Ian Tuazon, 26 anyos, residente ng nasabing lugar at kabilang sa talaan ng kanilang high value target.

Ikinasa ang drug buy-bust operation ng pinagsanib-pwersa ng mga tauhan ng Malay Municipal Police Station kasama ang PDEA Provincial Office kung saan, nabilhan ang suspek ng isang kilong pinatuyong dahon ng marijuana kapalit ng P23,000 pesos na buybust money at dagdag na 18 packs ang narekober na may estimated market value na halos P100,000 pesos.

Noong huling quarter ng 2024 na-monitor ang transaction ng suspek sa pamamagitan ng social media kung saan, sa Kalinga, Apayao pa aniya nagmumula ang kaniyang supply.