Abiso para sa mga motorista!
Higpit sinturon nanaman dahil mayroon nanamang panibagong big time oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong linggo.
Inaasahang papalo sa P5.30 hanggang P5.50 ang magiging dagdag-presyo sa kada litro ng diesel.
Habang nasa P3.60 hangang P3.80 naman ang itataas ng presyo sa kada litro ng gasolina.
At papatak naman sa P4.00 hanggang P4.10 ang halaga ng madadagdag sa kada litro ng Kerosene.
Ito na ang ika-sampung pagkakataon na nagkaroon ng sunud-sunod na super bigtime oil price hike sa Pilipinas.
Samantala, una rito ay nagkaraan na rin ng taas presyo sa produktong petrolyo na pumalo naman sa P10 hanggang P11 kada litro.
Magugunita na bago magtapos ang buwan ng Pebrero ay biglang sumipa ang presyo ng langis ng mahigit $100 kada bariles, at ilang araw matapos na i-anunsyo ng Russia ang kanilang military operation sa Ukraine ay tumaas pa ang halaga ng krudo ng hanggang $110 kada bariles.
Nagdulot ito ng pangamba sa mga local industry players sa posibleng maging epekto nito sa pagtaas naman ng presyo sa mga pangunahing bilihin.
Sa kabilang banda naman ay sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na sa ngayon ay wala pa silang nakikitang pagtaas sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin.