-- Advertisements --

Asahan na ng mga motorista ang isa pang nakaambang pagtaas ng presyo sa produkto ng petrolyo sa susunod na linggo, (Enero 21, 2025) na maaaring magmarka ng ikatlong pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo para sa taong 2025.

Ayon sa mga pagtataya, batay sa international fuel trading sa nakaraang apat na araw, papalo na sa P2.30 hanggang P2.50 ang sipa sa kada litro ng Kerosene, P2.30 hanggang P2.60 naman ang imamahal sa kada litro ng Diesel at 1.35 hanggang P1.60 sa kada litro ng gasolina.

Isang pangunahing salik na nakakaapekto sa paggalaw ng presyo ng krudo matapos mag impose ng sanctions ang bansang US at UK laban sa Russian oil.

Inaasahan itong magdudulot ng pagbaba sa mga export ng langis mula sa Russia, na magtutulak sa pagtaas ng presyo ng krudo sa buong mundo habang nagkakaroon ng adjustment sa merkado dahil sa paghina ng supply mula sa isa sa pinakamalaking prodyuser ng langis sa mundo.

Noong Enero 14, 2025, nagtaas na ang mga kompanya ng langis ng P0.80 bawat litro para sa gasolina at kerosene, at P0.90 bawat litro para sa diesel. Ang mga pagtaas na ito ay ang ikalawang round ng pagtaas ng presyo ngayong taon. Sa kasalukuyan, ang kabuuang pagtaas sa presyo ng gasolina at kerosene ay P1.80 bawat litro, at P2.30 bawat litro naman sa diesel.

Sa Metro Manila, ang kasalukuyang retail na presyo ng petrolyo ay ang mga sumusunod:

Gasolina: P52.25 hanggang P75.62 bawat litro
Diesel: P49.00 hanggang P65.85 bawat litro
Kerosene: P70.91 hanggang P82.20 bawat litro

Samantala inaasahan ng Department of Energy (DOE) na ang mga kompanya ng langis ay mag-aanunsyo ng opisyal na mga pagbabago sa presyo tuwing Lunes, na ipatutupad sa susunod na araw.