LA UNION – Bibigyan ng pagkakataon na hindi maparusahan ng pamahalaang panlungsod ng San Fernando, La Union ang mga mahuhuli na hindi nakasuot ng facemask lalo na sa mga pampublikong lugar.
Ito ang naging reaksyon ni San Fernando City Acting Mayor Alf Ortega matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin at imbestigahan ang mga walang suot o hindi tama ang pagsusuot ng facemask sa kabila ng banta ng pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Ortega, napagkasunduan ng pamahalaang panlungsod at ng pulisya na bibigyan nila ng facemask ang mga mahuhuling pasaway.
Hindi rin maipagkakaila ayon sa punong tagapamahala ng lungsod na may mga kababayan na suwail o hindi marunong sumunod sa health protocols, ngunit ipapaubaya na lang sa mga apprehending officers ang pagpapasya para matiyak na masunod ang ipinapatupad na patakaran laban sa COVID-19.
Samantala, nagpaalala naman si Ortega sa mga kababayan na kailangang sundin ang health protocols upang makaiwas sa pagkahawa ng COVID-19 kahit na nasa ilalim ng mas maluwag na quarantine status o modified general community quarantine (MGCQ) ang lungsod ng San Fernando.