KALIBO, Aklan – Umani ng paghanga sa social media ang 25-anyos na babaeng estudyante makaraang alagaan at gawing pet ang isang ordinaryong baboy sa Barangay Jawili, Tangalan, Aklan.
Sa interview ng Bombo Radyo, ibinahagi ni Febbie Rose Tumbagahan, residente ng naturang lugar at may-ari ng baboy na pinangalanang si “Babe”, halos tumigil na ito sa paghinga nang isilang ng kanyang inahin, subalit sinubukan niyang sagipin ang buhay sa pamamagitan ng mouth-to-mouth resuscitation.
Ito aniya ang unang pagkakataon na binigyan niya ng mouth-to-mouth ang kahit anong nabubuhay na hayop.
Pinapainom umano niya ito ng tubig na may halong asukal gamit ang beberon hanggang sa lumaki.
Sa kasalukuyan, ang baboy ay halos apat na buwang gulang na at may timbang na 30 kilos.
Sinabi pa ni Tumbagahan na nakahiligan rin niya ang pag-aalaga ng iba’t ibang hayop kagaya ng aso, ngunit kakaiba ngayon dahil isang baboy ang kanyang kasa-kasama sa pagtulog, pamamasyal sa dagat at pagpapakain sa iba pang mga alaga.