MANILA – Pinaigting ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbabantay sa Manila Bay sa kanilang inilunsad na “Manila Bay Watch Bike Patrol” sa kahabaan ng Baywalk nitong Sabado.
Sinabi ni Jacquelyn Caancan, executive director ng DENR-National Capital Region (NCR), may anim na bisikletang gagamitin bilang parte ng Manila Bay rehabilitation.
May mga itatalaga namang tauhan ang ahensiya bilang bike patrollers na magroronda sa kahabaan ng Manila Bay mula sa US Embassy hanggang Manila Yacht Club.
Kasama naman sa tungkulin ng bike patroller ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa Baywalk sa pamamagitan ng pagsita at pagbibigay-babala sa mga lalabag sa mga kautasan tulad ng pagtapon ng basura at pagligo sa Manila Bay.
Maari ding lapitan ang mga bike patroller upang isumbong ang mga lalabag sa mga batas pangkalikasan.
Para naman matutukan ng maigi ang mga programa ng ahensiya kasama ang rehabilitasyon ng Manila Bay, hinati ang opisina ng DENR-NCR sa apat.
Isa sa mga opisina ay ang West Field office na sa ngayon ay nag-iisang operational.
Sakop naman ng opisina ang lungsod ng Maynila, Mandaluyong, Makati, Pasay, at San Juan.