-- Advertisements --

Binigyang-diin ni dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go na nasagot na niya at napabulaanan noon ang paratang ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy na sangkot siya at ilang miyembro ng pamilya Duterte sa iligal na droga.

Ngayong hapon, humarap sa media si Bikoy sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Pasig City para magpakilalang siya ang nasa likod ng mga viral video laban kina Presidential son Paolo Duterte, Manns Carpio na manugang ni Pangulong Rodrigo Duterte at Go hinggil sa illegal drugs trade.

Sinabi ni Go sa press conference sa Calamba, Laguna, taliwas sa paratang ni Bikoy, wala siyang tattoo sa kanyang likod kundi mga tagyawat, stretchmark, nunal, balat at bilbil.

Ayon kay Go, dapat hindi sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) nagpunta si Bikoy kundi sa mental hospital para magpatingin.

“Alam nyo po, nagkamali si Bikoy ng kanyang pinuntahan. Hindi sya dapat pumunta sa IBP. Huwag kayong mag-alala. Proteksyunan naman kayo ng gobyerno. Pero dapat muna sya, sa tingin ko, dapat magpa-admit muna sya sa mental hospital. Dapat mauna muna syang pumunta doon. May sinabi sya noon na kapag ipinakita ko ang aking likod, ay titigil na sya. Hinubad ko na at ipinakita ang aking likod. Wala kayong nakitang tattoo. Palagay ko, gusto naman nyang makita ang aking bilbil…Kung gusto nyong makita uli, pwede kong namang ipakita muli. Gusto nyo?” ani Go.

Kaugnay nito, muli ngang hinubad ni Go ang kanyang t-shirt at ipinakita muli ang kanyang likod kung saan naroon din sa event sina Senate President Tito Sotto III, re-electionist Senators Bam Aquino, Nancy Binay at Ciara Sotto.

Kasabay nito, hinamon ni Go ang mga Pilipino na kung naniniwala sila kay Bikoy at sa mga akusasyon niya sa pamilyang Duterte at sa kanya iboto raw ang Ocho Diretso gaya nina Sen. Bam Aquino at Cong. Gary Alejano pero kung naniniwala sa kanila ni Pangulong Duterte, sa mga ipinaglalaban nila, iboto siya.