LEGAZPI CITY – Dumalo ngayong araw para sa pagdinig sa Legazpi City Regional Trial Court Branch 5 si Peter Joemel Advincula alyas Bikoy kaugnay ng kinakaharap na kasong cyber libel.
Inihain ang naturang kaso ni Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co matapos na madawit ang pangalan sa ikalimang bahagi ng narco-list video series ni Bikoy, maging ang pagmamay-ari nitong Misibis Bay Resort.
Limitado naman ang impormasyong ipinalabas ukol sa pagdinig na nag-umpisa dakong alas-8:30 kaninang umaga.
Malakas at malusog na Bikoy ang humarap sa korte matapos na mabatid na noong nakaraang linggo lamang nang dalhin ito sa pagamutan dahil sa paninikip ng dibdib.
Hindi naman nagpaunlak ng panayam si alyas Bikoy subalit ayon sa nakababata nitong kapatid, panalangin at huwag aniyang iwanan ang madalas sabihin nito sa kanilang mag-ina.
Ipinapasakamay na lang din aniya ni Joseph Advincula sa Department of Justice at korte ang imbestigasyon at pagdedesisyon upang malinawan ang katotohanan sa mga isiniwalat.