Handa umanong ituloy ng Senado ang imbestigasyon nito sa mga alegasyon ng nagpakilalang si alyas Bikoy na nagsabing may koneksyon ang pamilya ni Pangulong Duterte sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Ayon sa chairman ng Senate Committee on Public Order na si Sen. Panfilo Lacson, hinihintay pa nila ang kompirmasyon ni Peter Joemel Advincula para sa itinakdang hearing nito sa Biyernes.
Gayunpaman, hinamon ng senador ang nagpakilalang lalaki sa viral video na siguraduhing may bitbit itong sworn statement at mga ebidensya kapag humarap sa mataas na kapulungan.
Ani Lacson, nagbunga na ng isyung pulitikal ang paglutang ni alyas Bikoy dahil sa mga idinawit nitong opisyal kaya dapat lang ito na suriin.
Kaugnay nito sisilipin na rin daw ng senador ang estado ng panukalang batas na kanyang inihain na naglalayong patawan ng mas mabigat na parusa ang mga magsisinungaling na witness.
Hinimok naman ni Senate Pres. Tito Sotto ang Integrated Bard of the Philippines na kilatising mabuti ang mga salaysay ni Advincula bago mag-desisyon sa pagbibigay dito ng legal assistance.