Hindi dumating sa nakatakda sanang preliminary investigation (PI) nitong Martes sa Department of Justice (DoJ) para sa kasong estafa si Joemel Peter Advincula alyas “Bikoy.”
May kaugnayan ang kaso sa reklamo ni Arven Valmores ng Ardeur World Marketing, dahil sa paggamit umano ng suspek sa pangalan ng kaniyang negosyo nang walang pahintulot at panloloko pa sa ilang tao.
Sinasabing ginamit ni Advincula ang nasabing business name para makapaglunsad ng event at kalaunan ay kinuha nito ang pondo.
Nangyari umano iyon bago pa man lumutang ang kontrobersyal na video na pinamagatang “Ang Totoong Narcolist,” kung saan si Bikoy ang narrator.
Dahil sa hindi pagdalo sa preliminary probe, maging ng kaniyang abogado, itinakda na lang ang panibagong pagdinig sa Hunyo 4, 2019.
Kung mabibigo pa rin ang respondent na makarating, ituturing na ng DoJ na waived ang karapatan ni Advincula na makapaglahad ng panig ukol sa kaso.