Nais ng National Bureau of Investigation (NBI) na humarap sa kanilang tanggapan ang Peter Joemel Advincula, ang lalaking nagpakilalang nasa likod ng mga “Bikoy” videos.
Ito ay matapos na nagpatawag ng press conference si Advincula noong Lunes sa Intergrated Bar of the Philippines sa Pasig City.
Sa isang panayam, sinabi ni Victor Lorenzo, chief ng Cybercrime Division ng NBI, na person of interest si Advincula dahil sa naging rebelasyon nito.
Dahil dito mas interesado raw sila na humarap din si Advincula sa kanilang opisina para kanila itong matanong din sa kung ano ang kanyang naging partisipasyon sa pagkalat ng mga video laban sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte at para na rin mapatunayan daw nito ang kanyang mga alegasyon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Lorenzo na natukoy ng NBI na maraming pending cases si Advincula sa korte kabilang na ang illegal recruitment at estafa.