Dagupan City–Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo ang isang biktima ng budol-budol para ireklamo ang kawalan ng aksyon ng mga pulis sa bayan ng Mangaldan.
Una rito, inilahad ni Nilda Dumandan, 25-anyos na residente sa nabanggit na bayan ang pangyayari kung paano ito nabiktima ng budol-budol.
Mayroon aniyang mag-asawa na bumili sa kanila ng sampung piraso ng walis tambo na nagkakahalaga ng tatlong libong piso.
Kulang umano ang pera ng mga ito kaya ang ibinayad sa kanya ay anim na 100 dollar bill.
Ipinalit pa umano ng mga suspek ang ilan pang dolyar sa kanya kaya tinatayang nasa P30,000 ang natangay sa biktima.
Kampante aniya sila na palitan ang pera ng mga suspek sapagkat binanggit ng mga ito na kamag-anak sila ng kanilang kapitbahay.
Napag-alaman na lamang aniya nila na peke ang mga dolyar nang tangkain nila itong ipalit sa peso bill.
Ayon kay Dumandan, nang magtungo sila sa Mangaldan Police station para ireport ang pangyayari, tumanggi umano ang nakausap nilang pulis na gumawa ng blotter dahil kulang pa umano ang ebidensyang hawak nila.
Tinangka pa umano ng nasabing pulis na ipaiwan na lamang ang hawak nilang dolyar para maging basehan nila sa pagtingin ng pekeng pera.
Binibili pa umano nito ang dolyar sa halagang sampung piso bawat isa.
Ayon pa kay Dumandan, nais nilang malaman kung may ginagawang aksyon ang nasabing himpilan ng pulisya sapagkat mahigit isang linggo na ang lumipas ngunit wala pa rin silang naririnig na development patungkol sa kanilang reklamo.