-- Advertisements --

Sinuspinde muna hanggang bukas ang klase sa Imus Institute of Science and Technology (Dimasalang Campus), habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ukol sa food poisoning incident.

Sa ngayon, umakyat na sa 50 estudyante ang naitalang biktima.

Ayon kay Imus, Cavite City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) head Engr. Severo Salve, naisugod naman sa ospital ang mga bata, ngunit nabigo ang paaralan na ipabatid agad sa kanila ang nasabing pangyayari.

Lumalabas na kahapon pa nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang ibang estudyante, subalit walang nagparating nito sa mga otoridad.

Ayon sa ina ng isa sa mga biktima na si Mary Castro, iced tea at iba pang inumin ang posibleng sanhi ng pananakit ng tiyan ng mga bata.

Sana rin daw ay bilisan ang aksyon sa pangyayaring ito, para hindi na maulit sa mga darating na pagkakataon.

Apat na stall naman sa loob ng campus ang isinara, matapos ang naturang development.

Sinabi ni Loida Sta. Maria, vice president for academic affairs ng Imus Institute, nagsasagawa na rin sila ng sariling imbestigasyon sa sinapit ng kanilang mga mag-aaral.