-- Advertisements --

DAVAO CITY – Mula nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa lahat ng mga investment schemes sa Davao region, nakatanggap na ngayon ang Davao City Anti-Scam Unit (ASU) ng walong mga biktima na nagsampa ng kaso.

Ayon pa kay ASU chief Simplicio Sagarino, anim sa walong mga nagreklamo ay hindi taga-Davao at nagmula sa Midsayap, Cotabato at Tagum Davao del Norte kung saan walang mga Anti-Scam Units sa nasabing lugar.

Sinasabing walang natanggap ang mga biktima na pay outs mula ng mag-invest sila ng pera sa investment firms.

Kung maaalala isa sa mga biktima ay ang retired teacher mula Cotabato na nakapag-invest ng P2.4 million sa Everarm Marketing.

Karamihan sa mga ito ang pumunta sa lungsod ng Davao sa paniniwala na matutulungan sila ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na mabawi ang kanilang pera.

Samantalang inihayag din ni Sagarino na nakaproseso na ngayon ang referral documents at nakatakda nilang isumite ang reklamo ng mga biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa dagdag na imbestigasyon.

Naniniwala naman ang ahensiya na posibleng madagdagan pa ang mga nagrereklamo lalo na at marami pa rin ang hindi nakatanggap ng pay out.

Nag-ugat ang crackdown laban sa mga investment scheme matapos iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpasara sa Kabus Padatuon Community Ministry International Inc. (KAPA).