CENTRAL MINDANAO-Umakyat pa sa labing-dalawa ang nagbalik-loob na mga biktima ng panlilinlang ng teroristang komunista sa Sitio Dalungan, Barangay Butril, Palimbang, Sultan Kudarat.Inalalayan naman ng 5th Special Forces Battalion ang pagbaba ni alyas Karding habang bitbit nito ang isang M1 Garand Rifle at M79 grenade launcher, ayon pa kay Lieutenant Colonel Carlyleo Nagac ang Battalion Commander.
Sinabi ni Brig. Gen. Pedro Balisi Jr., 1Mech Bde Commander, inalok umano si alyas Karding ng teroristang komunista na umanib sa kanila kapalit ng magandang buhay para sa kanyang pamilya.
“Hindi naging makatotohanan bagkos naging pahirap pa kay alyas Karding dahil sa pinaigting na kampanyang ginagawa ng JTF Central laban sa teroristang komunista na humahadlang sa kaunlaran sa kanilang lugar”, ayun kay Brig. Gen. Balisi.
Ikinagalak naman ni Major General Alex Rillera, 6ID at Joint Task Force Central Commander ang matapang na desisyong ginawa ni alyas Karding.
“Ang pamahalaan ay nakahanda para sa pagbabalik-loob ng mga katulad ni alyas Karding na nais mamuhay ng normal sa kanilang lugar at makasama ang kanyang pamilya. Nagpapatunay lamang ito na walang mabuting naidudulot ang pagsampa sa teroristang komunista na sumasagabal sa pag-unlad ng kanilang bayan”, pahayag ni Maj. Gen. Rillera.
Ngayong taon, limang (5) kasapi ng kriminal na komunistang grupo ang nasawi habang 12 baril, apat (4) na pampasabog ang isinuko at labing-isa na armas at isang (1) pampasabog ang nabawi mula sa mga operasyon.