Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasugatan dahil paggamit ng iba’t-ibang uri ng paputok.
Ayon sa ulat ng Department of Health (DoH) ngayong araw ng Linggo, nasa 46 na ang mga napinsala ng firecrackers.
Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na nai-record ito mula sa Metro Manila, Ilocos, Cagayan Valley, CALABARZON at Bicol region.
Pinakamarami ay biktima ng boga, habang ang iba ay dahil sa luces at piccolo.
Wala pa namang naitalang namatay mula nang simulan ng DoH ang kanilang monitoring noong Disyembre 21, 2019.
Aminado naman si Duque na hindi pa rin siya lubos na masaya kahit bumaba ang bilang ng firecracker related injuries, dahil target sana nilang walang masaktan, lalo’t may mga alternatibong paingay naman na hindi mapanganib.
Kabilang na rito ang mga lumang gamit na metal, torotot, pito at iba pang maaaring makalikha ng tunog sa pagsalubong sa bagong taon.