(Update) BACOLOD CITY – Makalipas ang halos isang linggo, nakilala na ang bangkay ng lalaki na natagpuan sa tabi ng tubuhan sa Murcia, Negros Occidental at may tattoo na “Melvin Odicta” sa kanyang dibdib.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Major Robert Dejucos, hepe ng Murcia Municipal Police Station, mismong ina ng biktima ang pumunta sa bayan upang kilalanin ang kanyang anak na natagpuan sa Hacienda Ko, Purok Valencia, Barangay Pandanon Silos nitong nakalipas na Sabado.
Aniya, ang biktima ay kinilalang si Cris Jan Depotado ng Estancia, Iloilo ngunit nananatili ngayon sa San Carlos City, Negros Occidental kasama ang kanyang live-in partner.
Ayon sa ina ng biktima na si Merly, Disyembre 13 huling nakita ng live-in partner ang kanyang anak.
Ang 24-anyos na biktima aniya ay nagkaroon ng tattoo noong nakulong ito sa edad na 19-anyos dahil sa kasong pagnanakaw sa Estancia, Iloilo.
Ngunit hindi umano kilala ng ina kung sino si Melvin Odicta na itinuturong drug lord sa Iloilo at pinatay noong Agusto 2016 sa Caticlan Jetty Port sa Aklan.
Sa ngayon, blangko pa rin ang Murcia Police Station kung sino ang pumatay kay Depotado na natagpuang nakabalot ng packing tape ang ulo, kamay at mga paa.